by KrusadaTV on Monday, May 23, 2011 at 8:56pm
AIRING DATE: MAY 26, 2011
Para sa isang bagay na hindi environmentally-friendly at mahirap mabulok, napakataas ng pagkonsumo natin sa plastic. Alam niyo ba na mahigit kumulang 500 bilyon hanggang 1 trilyong plastic bags ang nagagamit ng buong mundo kada taon? Sa halos bawat bilihin, isinisilid ito sa plastic bag kaya’t nagiging mas madaling bitbitin at maiuwi. Ngunit madalas, saglit lamang ang paggamit dito. Karaniwan, matapos lamang ng 20 minuto, dalawang lugar lang ang kinababagsakan nito—sa basurahan o sa lansangan.
Kahit malinis o maaaring magamit pa, naitatapon lamang ito at nadadagdag sa tone-toneladang basura na tinatayang isang milenyo o isang libong taon bago tuluyang mabulok.
Sinasabing ang ugali ng pagtatapon ng lipunan ay nagresulta sa pangangailangan para sa kaginhawaan at pagtitipid ng panahon sa paggawa ng mga produkto. Subalit ang ugali ring ito ang pinagmumulan ng pagkakaaksaya ng maraming mapapakinabangan pa.
Sa susunod na Huwebes, itutulak ni ABS-CBN news anchor Julius Babao ang kanyang krusada na maitigil ang paggamit ng plastic sa pamamagitan ng panghihikayat sa mga business sectors, LGUs at mga mamimili na bawasan, iwasan at sa kabuuan ay ipagbawal na ang paggamit ng plastic bags at iba pang non-biodegradable packaging materials tulad ng Styrofoam.
Bilang pagsasaalang alang sa mithiing ito, hihikayatin ang mga mamamayan na gumamit ng mga reusable na lalagyan tulad ng eco-bags lalo na tuwing namimili sa grocery. Dahil ang tunay na paninindigan ay hindi puro salita lamang, ipapakita kung paano isinasabuhay ng pamilyang Babao ang krusadang ito.
Higit sa lahat, krusada ni Julius na maisabatas ang pagbabawal sa plastic bags at iba pang non-biodegradable packaging sa pambansang lebel. Naniniwala siyang hindi man ito “cure-all” solution sa mga problema sa basura, isa pa rin itong malaking hakbang upang ipamulat sa lahat ang pangangailangan na mas pangalagaan ang kapaligiran.
May ilan ng nanguna sa pagsasagawa ng krusadang ito. Samahang bisitahin ang bayan ng Los BaƱos, Laguna na nagumpisa sa pagsasabatas ng local na ordinansa upang maitigil na ang paggamit ng plastic bags. Sumusunod dito ang Muntinlupa sa Metro Manila, na sa kabila ng ilang patuloy na tumututol at humahamon, ay determinado pa rin. Ang Muntinlupa na ba ang magiging basehan ng mga iba pang urban cities na susunod sa yapak nito? Naging matagumpay kaya ang kanilang ordinansa?
Maaalala kung gaano kahirap ang dinanas ng lahat dahil sa trahedya ng Ondoy. Ang matinding pagbaha, kasama pa ang pagbara ng napakaraming plastic sa mga drainage ang ikinamatay ng 300 daang katao, ang naging paalala sa peligro na dulot ng plastic. Makalipas ang dalawang taon, marami pa ring nangangamba na mauuulit ito dahil patuloy pa rin ang pagtapon ng plastic bags sa mga ilog. Kailan ba matatapos ito at matututo ang mga tao?
Makinig. Makisama. Makiisa. Abangan ang Krusada ni Julius Babao sa Huwebes, pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN.
Source: Krusada
No comments:
Post a Comment