Thursday, June 2, 2011

KRUSADA: Lady Bus Driver

ANCHOR: TONY VELASQUEZ
AIRING DATE: JUNE 2, 2011



Mula sa Krusada ni Tony Velasquez nuong nakaraang Enero naging daan ito para ipatupad ng MMDA sa Commonwealth ang 60 km/h speed limit. Pero tila hindi ito sumapat dahil naglipana pa rin ang mga pasaway na tsuper. Simula nuong Enero wala pa sa kalahati ng taon patuloy na tumataas ang bilang ng mga aksidente sa kalsada. Sa talaan ng MMDA nasa 37,048 na ang aksidenteng naganap sa Metro Manila pa lang.

Wala na ngang pakialam sa pagsakay at pagbaba ng kanilang mga pasahero. Walang pang pakundangan sa pag-arangkada at pakikipag karerahan sa kalsada. Nagsu-swerve, nagka-cut at ayaw sumunod sa mga batas trapiko. Sa likod ng manibela, mga bus driver na matitigas ang ulo. Panahon na nga ba para ipagmaneho tayo ng mga lady bus driver?

Lumalabas kasi na mas takaw aksidente daw ang mga lalaki kumpara sa mga babae.Katunayan nuong nakaraang taon nasa 9,526 ang bilang ng disgrasya na kinasangkutan ng mga lalaking driver kumpara 3,605 sa mga babae. Kung ganun kanino ka sasakay?      


Sinundan ng Krusada ang buhay pamilya at  araw sa trabaho ng lady bus driver na si Jennifer Javier. Isa siya sa labingtatlong babaeng bus drivers na pumasa sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) noong Marso. Naniniwala siyang ang pagmamaneho ay hindi isang paligsahan. Ito ay paglilingkod at isang marangal propesyon na dapat seryosohin. Anu-ano nga ba ang mga pagsasanay na pinagdaanan ni Jennifer bago umupo sa likod ng manibela? May ilang pamunuan na kumuha ng lady bus drivers upang magkaroon ng pagbabago. Tunay nga bang handa na ang Pilipinas para sa mga babaeng nagmamaneho ng bus sa magugulong lansangan ng Metro Manila?

Makakaharap muli ni Tony Velasquez ang Metro Manila Development Authority (MMDA), ang ahensiya ng gobyerno na responsible sa proteksyon ng mga motorista sa lungsod. Ipagpapatuloy niya ang kanyang nasimulang Krusada para sa ligtas na kalsada. Aalamin ang mga tamang solusyon sa lumalalang kalagayan ng mga aksidente sa daan? Ano ang mga dapat na parusa sa mga nakakasagasa, nakakaabala at hindi sumusunod sa batas trapiko? Paano nga ba tayo magkakaroon ng mga disiplinadong tsuper sa lansangan?

Dahil ang tunay na paninindigan ay hindi puro salita lamang, makinig, makisama at makiisa sa Krusada sa darating na Huwebes, ika-2 ng Hunyo 2011, pagkatapos ng Bandila.

Source: Krusada

No comments:

Post a Comment